
Ang Barangay Sta Ana ay matatagpuan, dalawang kilometro (2km) mula sa kabayanan; ito ay
nasa dakong kanluran ng bayan ng Mabini kung saan matatanaw dito ang buong kabayanan at
ganoon din ang buong Batangas Bay.
Ang Barangay Sta. Ana ay naitatag noong ika-27 ng Disyembre 1972, na may kabuuang sukat
na 64 na ektarya humigit kumulang. Ito ay dating sakop ng Barangay P. Anahao, isang
Sitio na pinamumunuan ng tinatawag na Kabesa de Barangay na si G. Nicolas Casapao.
Pagkalipas ngilang panahon, ito ay pinangasiwaan din ni G. Esperdion Morido. Sumisidhing
pagsusumikap ng magigiting na tag-rito, noong panahon ng panunungkulan ng dating
Gobernador Sanoy Leviste, ito ay naitatag at nagkaroon ng inagurasyon bilang isang
malayang barangay. Disyembre 27, 1972 ay nahalal bilang Punong Barangay si G. Rosela
Casapao Ilagan (1972-1974). Ang bumubuo ng unang Sanggunian ay sina Kgg. Fidela Cabudil,
Kgg. Francisco Castillo, Kgg. Domingo Matira, Kgg. Maximo Cabudil, Kgg. Flacido
Boongaling at Kgg. Florentino Casapao (1972-1978). Sa hindi inaasahang pangyayari ay
hindi natapos ang panunungkulan ni Gng. Rosela Casapao sapagkat binawian na siya ng
buhay, pumalit bilang Punong Barangay si G. Fidel Cabudil. Pagkatapos ng kanyang termino
(1974-1978) ay nahalal bilang Punong Barangay si Ret. 2nd Lt. Regino Matira (1978-1982).
1982-1988 si Engr. Roger Castillo ang nahalal bilang KB Chairman. Pagkatapos ng dalawang
termino ay nahalal naman si Gng. Serapia Castillo (1988-1994). Si Amalia Matira ang KB
Chairman. Pagkatapos ng kanyang termino ay nahalal naman si Kgg. Victor C. Morido (1994-
1997). Si Franco Rae R. Garcia ang SK Chairman, sa pangalawang pagkakataon ay nahalal
muli si G. Vcitor C. Moridio ngunit hindi na niya natapos ang kanyang termino apagkat
binawian na siya ng buhay (June - October 4, 1997). Umupo bilang kapalit ang
nangungunang kagawad na si Sofronio Ilao bagong Punong Barangay (October 1997 - up to
present).
Humigit kumulang sa tatlumpung taon ng pagkakatatag ng Barangay Sta. Ana ay masasabing
hindi nagpabaya ang mga naging Opisyales sapagkat sa kasalukuyan ay ang Barangay Sta.
Ana ay isa na sa mga Barangay sa buong Mabini na may maayos na kalsada na puwedeng
madaan ng lahat ng klase ng sasakyan maging sa panahon man ng tag-ulan. Dumadaloy ang
malinis na tubig sa lahat ng kabahayan, may linya na ng kuryente na nagbibigay ng
liwanag sa buong barangay, at sa panahong ito ay mas marami na ang kongkreto ang
kabahayan.
Sa mga gawaing pambarangay ay halos meron ng lahat, tulad ng malaki at magandang
Barangay Hall kung saan dito idinaraos ang lahat nguri ng pagpupulong sa barangay lalo
na ang buwanang pagpupulong ng Sanggunian; mayroong Day Care Center na dito hinuhubog
ang mga batang may limang taong gulang pababa; mayroong Multi-Purpose Center kung saan
ay pinakikinabangan ng mga Kababaihan ang Livelihood Project na Patahian ng Barangay;
may malaki at malapad na Basketball Court na dito nagsisipaglaro ang mga kabataan; may
drainage na rin upang maiwasan ang pagkasira ng kalsada. May mga waiting shed na pwedeng
magpahinga habang naghihintay ng sasakyan. Sa malaot madali ay matatapos na rin ang
magandang proyektong waterworks system ng Barangay kung saan ito ay tutugon sa problema
ng mga taga-barangay kapag nasisira at nawawalan ng supply ng tubig.
Isang magandang katotohanan na ang Barangay Sta. Ana, ay isang maituturing na malayang
Barangay sa maganda at maunlad na Bayan ng Mabini na maipagmamalaki kanino man ng mga
taong dito'y naninirahan. Tumanggap na rin ng halong magkasunod bilang 2ng Runner Up sa
Cleanest and Greenest Barangay.