
Sa tatlumpo at apat na barangay sa bayan ng Mabini, ang Calamias ay maihahanay sa isang pangkat
ng mga matahimik na barangay. Ang barangay na ito ay matatagpuan sa isang paanan ng munting
bundok na malapit sa dagat. Ito ay napaliligiran ng ibat-ibang barangay dito sa Mabini.
Sa hilaga ay barangay ng Mainaga at San Francisco, sa timog ay barangay ng Bulakan, sa kanluran
ay barangay ng Pulong Niogan at sa silangan ay dagat na bahagi ng Look ng Batangas. Sinasabi
ng mga matatanda sa nayong ito na ang pangalan ng barangay ay kuha sa puno ng Calamias na
natagpuan ng mga taong unang nanirahan sa pamayanang ito.
Nang ang bayan ng Mabini ay maging bayan noong 1918 ang Calamia ay isang sitiong nasasakop
ng Pulong Niogan, ang mga kinikilalang lider noong panahong iyon ay sina Mariano Ceria,
Arsenio Umali, Nicmedes Jusi at Ricardo Jusi. Nanungkulan sila bilang tenyente del barrio
sa ibat-ibang taon. Si G. Ricardo Jusi ang naglingkod ng pinakamahabang panahon hanggang
sa taong 1971.
Nang dumami na ang bahay at mga mamamayan sa barangay na ito ay ang ilang lider ng nayon
ay nagsumikap na maging ganap na barangay ang Calamias. Dahil dito'y ang Calamias ay ginawang
isang nayon noong Enero, 1971. Nagkaroon ng halalan ng Sangguniang Nayon at ang mga sumusunod
ang nahalal na nanunungkulan hanggang sa ngayon:
| Juan Brucal |
Kapitan |
|
| Jorge Manalo |
Kalihim |
|
| Esperanza Capuno |
Ingat-Yaman |
|
| Francisco Capuno |
Konsehal |
|
| Bruno Del Mundo |
Konsehal |
|
| Gatulio Manalo |
Konsehal |
|
| Nicasio Garcia |
Konsehal |
Maliit lamang ang barangay Calamias kung ihahambing sa ibang barangay na sakop ng Mabini, subalit
habang ang mga araw ay nalalagas sa tangkay ng panahon ay patuloy naman ang pagdami ng tao at
bahay sa pamayanang ito. Ayon sa 1975 Integrated Census on Population and Economics ay ang
Calamias ay binubuo ng 58 pamilya na kinabibilangan ng 322 mamamayan. Masisipag ang mgatao dito
at sila ay may ibat-ibang hanapbuhay katulad ng paghuhuli ng isda, magsaka ng kani-kanilang lupa,
magnegosyo, maghabi ng sinamay, manahe ng tela, at iba pa. Marami dito ang mga babae na namimili
ng isda at ipinagbibili naman sa ibang lugal. Ang mga bata rito ay doon napasok sa paaralang
Elementarya ng Mainaga - San Francisco dahil as ito ang pinakamalapit sa kanila.
Ang mga halaman na matatagpuan dito ay palay, mais, balinghoy, mga gulayin, mga bungang kahoy,
at iba pa. Ang mga hayop na pangkaraniwang inaalagaan ay baboy, kambing, manok at baka.
Malinis ang paligid ng pamayanang ito at ang lahat na bahay ay mayroong palikuran.
Ang barangay na ito humigit kumulang sa tatlong kilometro ang layo sa kalye nasyonal, dahil
sa pagtahak ng lupa na sakop ng LUSTEVCO. Sa kabila ng suliraning ito ay patuloy ang mga taga
Calamias sa kanilang gawain kalakip ang dalangin na harinawang malutas ang suliraning ito.
KASAYSAYAN NG BARANGAY CALAMIAS
Noong una, ang Calamias ay isa lamang Sitio na nasasakop ng Barangay P. Niogan. Sang-ayon
sa mga ninuno, ang pangalang Calamias ay hango sa puno ng "kalamyas" na natagpuan ng mga unang
taong nanirahan dito. Ang mga kini-kilalang lider noong panahong iyon ay sina Marciano Seria,
Arsenio Umali. Nicomedes Jusi at Felizardo del Mundo, nanungkulan sila bilang Tinyente del
Barrio sa iba't ibang taon.
Nang dumami ang mga bahay at mamamayan dito, naging ganap na barangay ang Calamias noong
Enero 26, 1971. Nahahati ito sa apat na Sitio ang Sitio Gaac, Ilaya, Gitna at Ibaba.
Ang pangunahing pinagkakakitaan o hanapbuhay ng mga tao dito ay ang pangingisda at pananahi.
Sa patuloy na pag-usad ng taon dala na rin ng pagbabago ng taon, ang barangay ay naaabot na
rin ng iba't-ibang uri ng sasakyan. Nagkaroon ng serbisyo ng kuryente buhat sa BATELEC II,
na nakatutulong sa pag-unlad ng barangay.
Kaugnay sa pagsulong ng barangay atv pagdami ng mamamayan lalo na ang mga "pre-schoolers"
ay nagkaroon din ng Day Care service sa ilalim ng programa buhat sa Departamento ng
Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad noong 1982 sa pangangasiwa ni Bb. Gloria Umali.
Marami na rin sa mga taong naninirahan dito ay nagsisipagtrabaho sa iba't-ibang pagawaan
o kumpanya sa ating kalapit bayan at maging sa lunsod. Isa sa nakaragdag sa pagsulong ng
barangay ay mrami sa mga tao dito ay dumayo sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Mayroon na rin
na daungan ng barko at kumpanya na nasasakupan nito.